Isa sa pinakadakilang aktres na Filipino sa lahat ng panahon si Nora Aunor. Sa maraming pelikula, binuhay niya ang iba’t ibang karakter. Ang mga seryoso niyang pelikula ay patuloy na pinupuri ng mga kritiko, paksa ng mga pag-aaral pampelikula, at modelo ng tamang pagganap.
Ngunit bukod sa mga pelikulang drama at melodrama, kuminang din ang talento ni Nora sa komedya. Napansin ng mga kritiko ang perfect comedic timing ni Nora—patunay ng kanyang versatility bilang aktres. Hindi lang inantig ni Nora ang damdamin ng manonood bilang artista, naghatid din siya ng tuwa at ligaya sa masa.
Unang nakitaan si Nora ng husay sa pagpapatawa sa mga pelikula niyang musical comedy noong mga unang taon ng dekada ’70, lalo na sa Kung May Gusot May Lusot (Sampaguita Pictures, 1972). Sa Bato Bato sa Langit (NV Productions, 1975), nakita kay Nora ang kakaibang atake sa pagpapatawa, at napatunayan niya ang kakayahang makipagtagisan ng talino sa mahuhusay na komedyanang sina Nida Blanca at Nova Villa.
Sino ang hindi naaliw sa pakikipagsapalaran niya, kasama ang beteranang si Chichay at ang Hari ng Komedya na si Dolphy, sa Kaming Matatapang ang Apog (RVQ Productions, 1976)? Isa ito sa mga pinuring pelikula ng batikang direktor ng komedya na si Ading Fernando.
Sa My Little Christmas Tree (FPJ Productions, 1977) napahalakhak tayo sa kanyang karakter na nagtaray kay Da King Fernando Poe Jr. Nagwagi ito ng FAMAS Best Picture (Comedy) award para sa taon na iyon.
Naging super blockbuster ang Annie Batungbakal (1979), na sinundan ng critically acclaimed na Bongga Ka Day (1980).
Sa Totoo Ba ang Tsismis (Regal Films, 1981), pinakilig tayo ni Nora sa kanyang papel bilang nars na nag-aalaga ng nagpapanggap na pasyente na sa huli ay kanyang magiging mangingibig.
Sumama tayo sa paghahanap niya (kasama ang mahusay ring komedyanang si Louella Albornoz) sa mga holdaper sa Ibalik ang Swerti (NV Productions, 1981).
Muli silang nagsama ni Comedy King Dolphy sa political satire na My Bugoy Goes to Congress (RVQ Productions, 1987).
Maging ang Penoy Balut (Regal Films, 1988) ay isa nang cult classic sa campy scenes nina Nora at Roderick Paulate.
Hindi maitatangging tumatak sa ating kamalayan ang maraming comedy films ni Nora. Sa dami ng mga artistang sumabak sa pelikulang may lahok na katatawanan, kaunti lang ang lubos na kinilala at maaaring ihanay sa liga ng mga dakilang komedyante ng pelikulang Pilipino na sina Dolphy, Chichay, Nida Blanca, Nova Villa, Maricel Soriano, Roderick Paulate, Vic Sotto, Joey De Leon at marami pang iba. Isa sa kanila si Nora Aunor.
Si Deo ay English teacher at masugid na mananaliksik at manonood ng pelikulang Filipino. Nakatira siya sa matulaing isla ng Talim.