Ayon sa kuwento, ipinaglihi si Nora Aunor sa mga mata ng Birhen Dolorosa. Nang nasa sinapupunan pa lamang, nawili ang kanyang ina, si Mamay Tunying, na titigan ang mga mata ng birhen.

Napansin ng mga magulang ang mga mata ng batang si Nora, waring binabalungan ng luhang nakaambang pumatak anumang sandali—tulad ng sa Birhen.

Sa pag-awit unang nagamit ang ekspresibong mga mata ni Nora. Matipid sa kilos si Nora kapag umaawit pero di nagkukulang sa pagbibigay-damdamin sa kanta. Sumusunod ang mga mata niya sa tema ng inaawit: kumikislap kapag nagpapahayag ng pag-ibig, ngumingiti kapag nagagalak, malamlam kapag nalulumbay.

Bilang aktres, sa pelikulang Filipino, tatak-Nora Aunor ang pag-arte gamit ang mga mata. Sinasabing sa mga mata ng tao matatanaw ang kanyang kaluluwa, at sa midyum ng pelikula na humihingi sa artista ng katipiran sa kilos dahil nahuhuli ng kamera ang bawat kibot o pinakamaliit na galaw ng aktor,  nagamit nang lubos ang mapagpahayag na mga mata ni Nora Aunor.

(Noong 1970-71, napansin ni Victor Laurel na puhunan ni Nora bilang artista ang kanyang mga mata. Nasabi ni Cocoy, estudyante noon sa Juilliard School, na kung mabibigyan lamang ng mapaghamong papel si Nora sa pelikula, balang-araw hindi malayong maging isa siyang Lolita Rodriguez, ang kinikilalang pinakamahusay na aktres ng kanyang panahon. Bago matapos ang dekada, sa pelikulang Ina Ka ng Anak Mo [1979], kikilalanin ng mga kritiko ang kakayahan ni Nora na tapatan ang husay ng isang Lolita Rodriguez, kundi man higitan ito; tinalo ni Nora si Lolita sa 1976 FAMAS, 1976 Urian, at 1979 FAMAS.)

Sa mga mata ni Nora mababasa ang damdamin ng karakter na kanyang ginagampanan:

Pagkalito/pagtutol/panlulumo, sa loob ng ilang sandali, nang sabihan ng abogado na walang laban ang Filipino sa Amerikano sa Minsa’y Isang Gamu-gamo.

Pagguho ng mundo/pagbawi ng dignidad/tila pagpanaw ng bait sa harap ng kumukulong tubig sa Bona.

Duro ng konsiyensiya sa gilid ng bangin sa Tatlong Taong Walang Diyos.

Nanunuot na lamig at kahungkagan sa gitna ng nagtatayugang mga gusali sa 'Merika.

Kung nakakaliyab ang tingin, marami na ang naabo sa mga mata ni Nora. Ito na yata ang matang pinakamaraming "nabigkas na linya" sa Sine Pinoy.

Ito rin ang mga matang punong-puno ng misteryo at kahulugan. Marami ang napaibig. Naakit. Napaamo. Nalinlang. Nahiwagaan. Nasindak. Napagaling.