Picture
Picture


Nasa Cubao kami noon. Kasama ko ang dalawang kabataang Noranians na sina Tess at Deo. Noon lamang kami nagkatagpo at nagkita nang personal pero ganoon yata talaga kapag dugong Noranian, ang pakiramdam ay parang napakatagal n’yo nang magkakilala. Papasyal daw kami sa tindahan ng mga antique at memorabilia. Masaya kaming nagkuwentuhan habang naglalakad. Nagkatanungan pa ng edad. Puwede ko na pala silang maging anak.

Iniisip ko, maraming taon na nga ang nakalipas. Matagal na ring hindi ako napapadako sa lugar na ’yon ng Cubao. Mahigit nang labinlimang taon siguro. Nakakapanibago. Nilagpasan namin ang dating Cinema 21. Ilang pelikula rin ni Ate Guy ang napanood ko roon.

Habang papalapit kami sa sadya namin ay nangingiti ako sa sarili pero hindi ako nagpahalata sa dalawang “bagets.” Kasi ba naman parang baligtad yata. Ang daming bago at naglalakihang malls sa Pinas, lahat ng makabagong paninda ay naroroon pero bakit heto kami, super excited na sadyain ang di hamak na mas maliit na tindahan para maghanap ng mga luma at pinaglumaan. Kakaiba ang interes namin.

Marikina Shoe Expo ang tawag sa lugar na ’yon noon. Kahawig pa rin ng dati ang ayos pero ngayon ang tawag dito ay Cubao Expo. Hindi lang sapatos ang tinitinda.

May dalawang antique shops kaming pinuntahan. Doon daw sila madalas magpunta ni Mandy noong nabubuhay pa ito, sabi ni Tess. Santambak ang mga lumang libro, komiks, at magasin sa labas pa lang ng unang tindahan. Nagbuklat-buklat kami. Masarap gunitain ang nakaraaan. Habang nagbabasa ay bumabalik ang mga lumang balita at kaganapan. Nagiging sariwa sa ulirat. Sina Tess at Deo naman ay tinutuklas ang nakaraan. May bonus pang alikabok sa bawat pagbuklat ng mga pahina.

Binigay sa akin ni Tess ang isang bungkos ng mga lumang litrato. Mga litrato pala ni Ate Guy at kung sino-sino pang nakasama niya sa pelikula. May mga kuha sa eksena ng pelikula at meron ding mga private moments.

Nabusog ang mata ko sa katitingin. May ilang litrato doon ang paulit-ulit kong tinitingnan. Sayang at hindi ko naman kayang bilhin lahat. Pumili lamang ako ng kaunti. Narito po ang ilan.

Sweet Guy and Pip

Halos langgamin sa ka-sweetan sina Guy & Pip sa mga litratong ito. Walang sinabi ang mga bagong loveteam ngayon kuno. Kahit ang sweet “pose” nina Marian at Dingdong ay mapapahiya dito. Mahal na mahal nga raw ni Ate Guy si Pip. First love yata, siyempre pa. Pero si Pip, minahal niya nga ba nang tunay si Ate Guy? Kung pagbabasehan ang mga litratong ito, sasabihin kong “Oo naman.” Naalala ko tuloy ang kuwento ni Ate Luds aka Inday Badiday sa True Story ni Guy book (by Baby K. Jimenez). Eto ang sinabi nya:

“Pero nakita ko . . . Baby ni Pip si Guy. Andyan ’yung pati buhok ni Guy, inaayos, bina-brush. Pati wardrobe ni Guy, chine-check ni Pip. Minsan naglalakad si Guy nang nakapaa at natinik ang big toe niya. You know what Pip did? Nang nakita niyang nagdurugo ang big toe ni Guy, he ran to her, kinarga at ginamot. He sucked the blood from her toe nang ayaw huminto ang dugo. He was so worried . . . I believe na minahal rin niya si Nora. Na-develop iyon,” paniwala ni Inday.

Habang nakatitig ako sa mga litrato, bumalik ako sa panahon na nakikipagsiksikan kami ng Lola ko sa Sampaguita compound para lang masilayan ang dalawang ito. Diehard Guy & Pip fan kasi ang Lola ko. Ako naman, sumama lang sa kanya dahil gusto kong pumasyal at makakita ng artista. At saka wala siyang kasama, kawawa naman. Masasabi kong sina Guy & Pip ang mga artista na una kong nakita sa personal (nakita ko nga ba o naaninag lang?). Sila rin ang mga artista sa kauna-unahang pelikula na napanood ko sa sinehan, ang Always in my Heart. Ang mga unang engkuwentro ko sa “Guy & Pip” noong bata ako ay ang nagpasimula ng pagkilala ko sa isang Nora Aunor. Hindi man si Pip ang pinakapaborito kong katambal ni Ate Guy, hindi ko maikakaila na kinikilig din ako kapag nakikita silang magkasama. Hindi ko rin maitatatwa na sila ang pinakasikat na loveteam sa history ng Philippine showbiz. Number 1 loveteam, sabi nga. Sayang hindi sila nagkatuluyan pero hanggang ngayon mahal pa rin nila ang isa’t isa, bilang tunay na magkaibigan.


 
 

"Together Again" by Nora Aunor and Tirso Cruz III
(Cut from the album Nora Aunor: Superstar ng Buhay Ko,
released by Vicor Music Corporation)

You Tube video by Superstarstruck


 
 


Mahalaga ang petsang October 6 sa Guy and Pip fanatics. Sa araw na ito tradisyonal na ipinagdirawang ng mga tagahanga ang anibersaryo ng love team.


October 6, 1967, nang unang magkita sina Nora at Tirso sa Channel 5 studio sa Pasong Tamo. Pareho silang panauhin sa show ni Carmen Soriano na Carmen on Camera.
Hindi sila nag-usap. Nagngitian lamang sila. Kinilig na si Nora kay Tirso nang araw na iyon, bagama’t hindi niya pinahalata. Si Tirso naman ay bahagya lang napansin ang dalagita.

Gayunman, hindi ang okasyong ito ang naging basehan ng petsa ng pagdiriwang.
Itinakda ng Guy and Pip Fans Club ang October 6, 1969, bilang opisyal na simula ng love team. Bago ang araw na ito, naging magkatambal na ang dalawa sa ilang pelikula, pero pinili ng mga tagahanga na gawing batayan ng kanilang selebrasyon ang petsa ng pag-iibigan nina Guy and Pip sa totoong buhay. Diumano, sa araw na ito ibinigay ni Nora kay Tirso ang kanyang matamis na “oo.” Naganap ito sa set ng ginagawa nilang pelikula na Halina, Neneng Ko (1969).

Nagbilang na si Nora Aunor ng mangingibig sa pelikula—mula sa mga alamat (Fernando Poe Jr., Dolphy, Joseph Estrada) hanggang sa pinakamahuhusay na aktor (Christopher de Leon, Phillip Salvador, Bembol Roco), pero pinakatinangkilik, pinakamakulay, pinakanaisulat, at may pinakamahabang kasaysayan ang Guy and Pip tandem. Naitampok ito sa 43 pelikula, na sumakop sa apat na dekada. Sa bagong milenyo, naging matalik na magkaibigan sina Guy and Pip at aktibo pa rin sa mga concert abroad. Huli silang nagsama noong February 16, 2008, sa isang jam-packed concert sa Norfolk, California.

Mula 1970 hanggang 1972 ang height ng popularity ng tambalan; sa panahong ito nakagawa sila ng 14 na pelikula. Ilan dito ang Guy and Pip (1971) na lumikha ng rekord sa takilya, at ang And God Smiled at Me (1972) na nagbigay ng unang Best Actress at Best Actor awards sa kanila.

Nagkasama sina Nora at Tirso sa pelikulang 9 Teeners (1969) at YeYe Generation! (1969), pero una silang pinagtambal sa Young Girl (1969). Sabay silang inilunsad bilang mga ganap na bituin sa D’ Teenage Musical Idols (1969) at Fiesta Extravaganza (1969), kapwa dinumog ng manonood.

Gumawa ng kasaysayan ang kasikatan ni Nora Aunor nang sumunod na mga taon, at sa panahong ito, sa hanay ng mga kabataang artista, si Tirso Cruz III ang pumapangalawa kay Nora sa katanyagan.

Nagsimula sina Guy and Pip sa mga pelikulang kantahan na hindi humihingi ng kakayahan sa pagganap at tanging hangarin ay pakiligin ang publiko. Gayunman, sumabay din sila sa panahon at itinampok sa mga seryosong pelikula tulad ng Magandang Gabi sa Inyong Lahat (1976) at Bakya Mo Neneng (1977).

Sa sumunod na mga taon, nagpakitang-gilas si Nora Aunor bilang aktres, na sa pagtatapos ng milenyo ay kinilala ng Cultural Center of the Philippines bilang isa sa Artists of the Century.

Hinubad naman ni Tirso Cruz III ang kanyang matinee-idol image upang maging isang versatile actor.

Muling lumikha ng kasaysayan sa takilya ang tambalan noong 1985. Ito ay sa tatlong pelikula ng Regal Films: Till We Meet Again, Mga Kuwento ni Lola Basyang, at I Can’t Stop Loving You. Bilang tambalan, nakuha nila ang pinakamataas na pagkilala ng mga kritiko sa pelikulang Bilangin ang Bituin sa Langit (1989) ni Elwood Perez.

Maraming legacy ang Guy and Pip love team sa industriya ng pelikulang Filipino.

Kina Nora at Tirso nagsimula ang pagkahumaling ng publiko sa mga artistang lokal. Bago sila, marami na ring tambalan ang minahal ng mga tagahanga, ngunit walang papantay sa hysteria na nilikha ng Guy and Pip. Ang kuwento ng kanilang pag-iibigan noong 1971 ay higit na malaking balita kaysa sa Constitutional Convention.

Binago nila ang imahe ng movie fans—mga tagahangang nakisangkot sa kanilang buhay, nakisaya at nakiiyak, nag-eespiya, nagra-rally, at nakikipaglaban sa pagtatanggol sa kanilang favorite love team.

Nanguna ang Guy and Pip sa pagpapasikat ng youth-oriented movies, at natangay ng kanilang popularidad ang iba pang mga tambalan sa kanilang panahon.

Naibaling nila ang suporta ng movie-going public mula sa Hollywood films tungo sa lokal na pelikula.

Nakatulong din ang tambalan sa pagpigil sa dominasyon ng bomba films na nauso noong mga unang taon ng dekada ’70.

Sa kanilang makulay na tambalan, binulabog at pinasigla nila ang industriya ng pelikula.

Maraming pambihira sa Guy and Pip love team. Sila ang tanging pares na may sumikat na “anak” na manika—si Maria Leonora Theresa. May record-breaking hits sila sa loob ng tatlong dekada—dekada ’60, ’70, at ’80—at nanatiling aktibo hanggang sa kasalukuyan. Nagkaroon pa ang tambalan ng commemorative movie, ang Memories of Our Love (1975). Nag-produce din ng pelikula ang isang Guy and Pip fanatic upang magbalik-tambalan sila noong 1977 sa pelikulang Pinakasalan Ko ang Ina ng Aking Kapatid.

 Sa pagbabalik-tanaw ng QTV 11 program na Ang Pinaka …, hindi kataka-takang ang Guy and Pip ang hirangin bilang pinakapatok na love team of all time.

Sa dumating at darating pang panahon, ang Guy and Pip ang naging sukatan at magiging sukatan ng tayog na mararating ng isang tambalan.

Happy 39th Guy and Pip Day!