Sa loob ng tatlong taon, mula 1969 hanggang 1972, nakagawa si Nora Aunor ng 18 LP at 216 singles. Halos bawat minuto ay maririnig ang kanyang plaka—sa jukebox, sa radyo, o sa TV. Saan mang lugar—sa mga pamilihan, sa mga pampublikong sasakyan, sa mga opisina, sa mga kapistahan at iba’t ibang okasyon. Sa bawat record stores sa Raon, minu-minuto kung patugtugin ang kanyang plaka.
Sa top ten chart ng local recordings, madalas number one si Nora at ilan pa niyang kanta ang karaniwang nasa listahan. Sa paramihan ng benta ng plaka sa Pilipinas, tumba kay Nora ang The Beatles at si Elvis Presley.
Pumasok si Nora sa recording industry sa panahong namamayani ang colonial mentality ng mga Pinoy; ikinahihiya ng marami ang pagtangkilik sa local singers. Binago ito ni Nora. Mayaman o mahirap, masa o elitista, kinagiliwan ang tinig ni Nora. Pinatugtog ang kanyang plaka sa bawat bahay—hamak man o malapalasyo.
Umabot hanggang sa labas ng bansa ang paghanga sa boses ni Nora. May mga nagpadala sa Alpha ng mga sulat ng paghanga. Sa Sabah, naiulat na ipinagbibili ang mga plaka ni Nora sa presyong pang-black market. Pinakamabili doon ang Hawaiian songs ni Nora. Sa London, ibinalita ng isang Filipina na kaliwa’t kanan ang panghihiram ng dala niyang mga plaka ni Nora—ng parehong mga Filipino at Briton. Isang Tsino ang nagsabing hindi siya makapaniwala na may mang-aawit na kasinghusay ni Nora ang Pilipinas. Maraming Filipino na nasa ibang bansa ang nag-request na mapadalhan ng kopya ng mga record ni Nora (“They Go for Nora, Too!” Philippines Daily Express, July 18, 1972). Sa Guam, nangunguna rin sa bentahan ang plaka ni Nora. Isang Amerikanong nagngangalang Douglas Whitney ng California ang nagsabing isa si Nora sa pinakamahusay na mang-aawit na narinig niya. (Philippines Daily Express, “Superstar, Hinangaan ng mga taga-Guam, US,” August 14, 1973).
Binuksan niya ang pinto para sa maraming local singers. Sa tagumpay ni Nora, lumakas ang loob ng maraming record producers na tumuklas ng mas maraming local talents at mag-produce ng maraming albums. Naging aktibo ang maraming musikero. Nagkasunod-sunod ang tulad nina Eddie Peregrina, Victor Wood, Tirso Cruz III, Edgar Mortiz, Vilma Santos, Novo Bono, Manny De Leon, Esperanza Fabon, Perla Adea, at marami pang iba.
Adaptations ang kalakaran noon sa industriya. Pinatunayan ni Nora na may merkado rin ang mga lokal na komposisyon. Sa kanyang ikalawang album (More, More, More), halimbawa, pito ang original songs. Nang magtagumpay ang album, naging in-demand ang Filipino song writers tulad nina George Canseco, Danny Subido, at Bert Dominic.
Kinikilala ng mga nakakabatid sa loob ng industriya ang mahahalagang kontribusyon ni Nora Aunor sa pagsulong ng Philippine recording industry.